Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang House Bill No. 8834 o KALINGA Act na naglalayong protektahan ang mga Pilipino laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at mabilis na pagtaas ng gastusin.
Layunin ng panukala na magpatupad ng awtomatiko at mabilis na tugon ng pamahalaan sa oras na magkaroon ng oil price shocks, upang maiwasan ang domino effect sa pamasahe, pagkain, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang KALINGA Program—isang whole-of-government response na agad na maa-activate kapag may matinding pagtaas ng presyo ng langis, inflation, kakulangan sa supply, o energy emergency.
Kabilang sa mga hakbang ang fuel subsidy, pansamantalang bawas-buwis sa langis, tulong-pinansyal sa mahihirap, suporta sa transportasyon at agrikultura, at tulong sa maliliit na negosyo upang maiwasan ang pagsasara at pagkawala ng trabaho.
Target na matulungan ang mga mahihinang sektor tulad ng low-income households, drivers, magsasaka, mangingisda, at MSMEs na labis naaapektuhan ng pagtaas ng presyo.
Naglalaman din ang panukala ng mga mekanismo upang mapanatili ang suplay ng enerhiya, mapababa ang konsumo, at mapigilan ang hoarding at profiteering.
Magkakaroon din ng KALINGA Inter-Agency Task Force na mangangasiwa sa implementasyon at magtitiyak ng koordinadong aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Marcos, layunin ng panukala na matiyak na may agarang tulong sa oras ng krisis. “Hindi na maghihintay na lumala ang sitwasyon bago kumilos—awtomatiko ang tulong para sa mga Pilipino,” aniya.
Sakaling maging batas, inaasahang mababawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at mapoprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino.















