-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni House Majority Leader Sandro Marcos ang pagpasa ng Kamara sa 18 LEDAC priority measures bago ang Holy Week break.

Ayon kay Marcos, ang track record ng Kamara sa LEDAC ay patunay na hindi naging hadlang ang masikip na session calendar sa pagsusulong ng mga repormang pang-ekonomiya, serbisyo publiko, at proteksyong panlipunan.

Binigyang-diin ni Marcos: “Masigasig ang inyong Kamara sa pagpasa ng mga prayoridad na panukala ng administrasyon,” at ipinagmalaki ang mga nakamit na tagumpay sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Bojie Dy III.

Pinuri rin niya ang agarang pagpasa sa panukalang batas na nagbibigay-kapangyarihan sa Pangulo na bawasan o isuspinde ang excise tax sa petroleum products.

Aniya, ito ang kailangan ng taumbayan para sa “immediate relief” laban sa mataas na presyo ng gasolina na nagpapataas din ng gastos sa transportasyon at pangunahing bilihin.

Paliwanag ni Marcos, ang mga naipasang batas ay hindi lamang basta bilang, kundi “patunay ng isang working House” na ang makinarya ay tumatakbo nang mabilis para sa kapakanan ng bayan.

Idinagdag pa ng Majority Leader na ang Holy Week break ay isang “pause” lamang at hindi pagbagal ng kanilang layunin.

Sa 18 naipasa, pinaka-abante ang pagpapaliban ng BARMM Elections na tapos na sa bicameral stage, habang ang National Center for Geriatric Health ay kasalukuyan ding isinasapinal.

Kabilang din sa mga prayoridad na nakalusot ang EPIRA Amendments, Waste-to-Energy, Extension ng Estate Tax Amnesty, at ang panukalang batas na nagbibigay-kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin ang excise tax sa petrolyo upang magbigay-ginhawa sa gitna ng taas-presyo ng bilihin.

Bukod dito, nasa pipeline na rin ang National Land Use Act at ang pagpapalakas ng 4Ps.

Sa kasalukuyan, may kabuuang 9,632 measures na ang naisampa sa Kamara, na ayon kay Marcos ay nagpapakita ng isang “working House” na handang tumugon sa mga pangangailangan ng administrasyon at ng sambayanan sa pagbabalik ng session.