Naghain sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng panukalang Children’s Social Media Safety Act na magpapataw ng multang hanggang P50 milyon sa mga social media platform na hindi susunod sa mga pamantayan para sa kaligtasan ng mga bata sa internet.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang paggamit ng social media sa mga batang edad 12 pababa, habang ang mga 13 hanggang 17 taong gulang ay papayagan lamang kung may pahintulot at patuloy na pangangasiwa ng magulang o guardian.
Inaatasan din ang mga platform na magpatupad ng age verification, parental controls, at mga hakbang laban sa mapaminsalang content. Maaari ring patawan ng pansamantalang paghihigpit o ipagbawal ang operasyon ng mga platform sa Pilipinas kung paulit-ulit at malubha ang paglabag.
Layunin ng panukala na palakasin ang proteksyon ng mga bata sa online na mundo at isulong ang ligtas at responsableng paggamit ng social media.














