Binigyang-diin ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, ang agarang pangangailangan na protektahan ang Sierra Madre Mountain Range bilang pangunahing depensa laban sa matitinding pagbaha at bagyo sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Kasabay nito, muling nagpulong ang technical working group ng Kamara upang talakayin ang House Bill No. 3538, na naglalayong itatag ang Sierra Madre Mountain Range Authority (SMMRA).
Sa ilalim ng panukala, gagawa ng isang 25-year blueprint o master plan na gagamit ng siyentipikong paraan para sa konserbasyon at proteksyon ng pinakamahabang kabundukan sa bansa.
Ayon kay Speaker Dy, hindi sapat ang mga imprastraktura o flood control lamang; dapat ding pangalagaan ang mga kagubatan at watershed na sumisipsip ng ulan.
Dagdag pa niya, kasabay ng pangangalaga sa kalikasan ay dapat ding bigyan ng maayos na kabuhayan ang mga pamilyang nakatira sa paligid nito upang maging katuwang sila sa pagprotekta sa Sierra Madre.
Ang paglikha sa SMMRA ay kabilang na ngayon sa mga priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Ang mga pagbaha na naranasan natin sa iba’t-ibang lugar ay isang malinaw na paalala na hindi natin maaaring paghiwalayin ang kaligtasan ng ating mga komunidad sa pangangalaga sa ating kalikasan. Flood control cannot be about infrastructure alone. We also have to protect our forests, watersheds, and natural ecosystems because they form part of our first line of defense against the growing impact of extreme weather,” pahayag ni Speaker Dy.
















