-- Advertisements --

Nananatiling isang tropical depression ang Bagyong Maymay habang patuloy na kumikilos pahilagang-silangan sa karagatan sa silangan ng Central Luzon, ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng PAGASA .

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 290 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora. Taglay ang pinakamalakas na hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugso naman na nasa 55 kilometro kada oras, at kumikilos Silangan-Timogsilangan sa bilis na 35 kilometro kada oras.

Bagama’t wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa, patuloy pa ring makaaapekto ang Bagyong Maymay at ang pinalakas na southwest monsoon o habagat.

Ayon sa state weather bureau, patuloy na palalakasin ng Typhoon Dolphin, na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Habagat na siyang magdadala ng mga hanggang malalakas na mga pag-ulan sa susunod na araw.

Inaasahan rin ng weather bureau na posibleng malusaw at maging isang Low Pressure Area (LPA) sa Biyernes ng umaga.

Samantala nakataaas naman ang orange rainfall warning na 100 hanggang 200 milimetro ng ulan ang posibleng maranasan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas.

Mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng gabi, Agosto 8, inaasahang makakaranas ng 100 hanggang 200 milimetro ng ulan ang Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Nananatiling umiiral ang Gale Warning sa mga karagatang sakop ng Batanes.