-- Advertisements --

Humina na ang Tropical Depression (TD) Maymay bilang low-pressure area (LPA), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa weather bulletin na inilabas alas-2:00 ng madaling araw nitong Agosto 7, sinabi ng PAGASA na ang LPA, na dating TD Maymay (international name: Kujira), ay nananatiling nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huling namataan ang sentro ng LPA sa layong 545 kilometro silangan ng Echague, Isabela.

Sa datos ng PAGASA, malabong muling lumakas ang LPA at maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, patuloy ding mino-monitor ng state weather bureau ang Typhoon Dolphin, na nananatili sa labas ng PAR sa layong 1,165 kilometro Extreme Northern Luzon.

Taglay ang pinakamalakas na hanging aabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugso na nasa 170 kilometro kada oras, at kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Ayon sa state weather bureau, patuloy na palalakasin ng Typhoon Dolphin, ang pinalakas na southwest monsoon o habagat na siyang magdadala ng mga hanggang malalakas na mga pag-ulan sa susunod na araw.