-- Advertisements --

Isang 64-anyos na lalaking senior citizen ang muntik nang malunod matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa isang spillway sa Rodriguez, Rizal.

Batay sa kuha ng CCTV, makikitang ligtas na nakatawid ang isa pang lalaki. Ngunit ang senior citizen ay nahirapang makatawid, nawalan ng balanse, at tuluyang inanod ng rumaragasang tubig.

Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng Barangay San Rafael at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO. Gumamit sila ng mga lubid at life vest upang ligtas na masagip ang biktima.

Ayon sa Barangay San Rafael, nawalan ng malay ang senior citizen matapos ang insidente, ngunit nabigyan siya ng paunang lunas bago isinugod sa ospital.

Dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng Tropical Depression Maymay at ng habagat, muling pinaalalahanan ng mga opisyal ang publiko na huwag tumawid sa mga spillway at iba pang mapanganib na lugar upang maiwasan ang kapahamakan.