-- Advertisements --

Kinalampag ng ilang senador ang Department of Education (DepEd) sa paglitaw ng isyung 40 porsyento pa lang ng kabuuang 800,000 na mga guro ang handa sa pagtuturo sa virtual classes.

Sa pagdinig ng Senate committee on basic education, arts and culture, lumabas na sa loob ng isang buwang paghahanda ay marami pang nangangailangan ng dagdag na gabay para sa blended learning system, mula mismo sa hanay ng mga tagapagturo.

Para kay Sen. Francis Tolentino, kailangan ng mastery sa bagay na ito, para maitawid ng kompleto ang kaalamang kinakailangan ng mga estudyante.

Sa panig naman ni committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian, dapat maigarantiya ng DepEd ang kalidad ng matututunan sa home study.

“Our teachers are not equipped in terms of distance learning… we should not do it in haste. We will not get the optimum level of teaching when we do it in haste,” wika ni Gatchalian.

Mahalagang maipakita umano na kwalipikado ang mga bata sa susunod na antas, kahit sa bahay lamang ito nakapag-aral.