ILOILO CITY – Kinumpirma ng Philippine Army na kalahati ng mga miyembro ng rebeldeng grupo sa Iloilo ay mga menor de edad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commander ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na base sa monitoring, lumalabas na nasa 50 hanggang 60% na na-recruit ng teroristang grupo ay mga nasa junior at senior high school.

Ayon kay Batara, nagiging istratehiya ng mga rebelde ang pag-engganyo sa mga estudyante sa pagsagawa ng mga aktibidad ngmga school organizations na pinapalabas na nakasentro sa youth activism upang hindi malaman na ginagamit sila ng mga rebeldeng grupo.

Naniniwala rin si Batara na propaganda lang ito ng mga rebelde upang magkunwaring malakas pa rin ang kanilang pwersa.

Napag-alaman na limang bayan sa lalawigan ng Iloilo ang mahigpit na binabantayan ng militar dahil sa recruitment ng New People’s Army sa mga estudyante.

Ito ay kinabibilangan ng bayan ng Tubungan, San Joaquin, Miag-ao at Igbaras sa unang distrito; at bayan ng Leon sa ikalawang distrito ng Iloilo.