-- Advertisements --

Nagtalaga ng higit sa 50,000 pulis ang Philippine National Police (PNP) para sa unang araw ng transport strike na siyang ikinakasa ng ilang grupo ng mga tsuper sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano na ang naturang deployment ay nakapokus mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang ito ang magiging sentro ng strike at maging ng gaganaping “Trillion Peso March” rally sa darating na Linggo, Setymebre 21.

Maliban sa deployment na ito, nagtalaga na rin ng assets o mga sasakyan ang Pambansang Pulisya para makatulong sa publiko na mangangailangn ng transportasyon papunta sa kani-kanilang destinasyon.

Hindi bababa sa 500 ang itatalagang mga police mobil sa lahat ng distrito ng Maynila para matiyak na hindi makakaabala sa commuters ang protestang ito.

Kasunod nito nanindigan naman ang Pambansang Pulisya na sa gitna ng mga pagkakasa ng mga demonstrasyon ng publiko, tiniyak niya na nakahanda ang kanilang hanay sa kahit anumang sitwasyon.

Aniya, bagamat pinapanatili rin ng PNP na apolitical ang kanilang hanay at hindi makikilahok sa kanilang anumang pampulitika, patuloy pa rin aniya ang kanilang pagrespeto sa mga karapatan at lahat ng saloobing pinaparating ng mamamayang Pilipino.

Samantala, tiniyak naman ng Pambansang Pulisya na marerespeto at maitataguyod ang karapatang makapagpahayag ng mga raliyista ngunit nagpaalala rin na patuloy alalahanin ang mga umiiral na batas upang maiwasan ang paglabag nito.