HALOS 50 BRGY SA CEBU CITY, ‘COVID-FREE’ NA; AKTIBONG KASO NG LUNGSOD, 150 NA LANG
CEBU CITY -Nadagdagan pa ang mga barangay nitong lungsod ng Cebu na kasalukuyang wala ng naitalang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Inihayag pa ng Emergency Operations Center (EOC) na 47 na mga barangay sa lungsod ang wala ng aktibong kaso ng nasabing virus sa huling 14 na araw.
Hindi naman isiniwalat ng EOC ang updated na listahan ng mga ito upang maiwasang magpakampante ang mga tao.
Umaasa naman ang EOC na maging maingat pa rin ang lahat sa mga barangay na ito upang mapigilang makapagtala ulit ng kaso sa COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na ang mga barangay na walang aktibong kaso ng COVID-19 sa pagtatapos ng taon ay makakatanggap ng P100,000 na halaga ng insentibo .
Samantala, 4 na kaso lang ang naidagdag base sa pinakahuling data na inilabas ng Department of Health kahapon, November 3 dahilan na nasa 150 na lang ang aktibong kaso nito habang 9,441 ang mga nakarekober.