CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga kasapi ng 501st Infantry Brigade Philippine Army sa humigit kumulang 40 miyembro ng NPA na nakasagupa ng mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Bagsang Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, DPAO chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na nakumpirma nila ang impormasiyon may kaugnayan sa presensiya ng nasa humigit kumulang apatnapung miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley kabilang ang kanilang Kalihim na si Alyas Karl na posibleng magsagawa ng pagpupulong.
Ang umanoy pagpupulong ng NPA sa lugar ay bilang paghahanda para sa kanilang extorsion activitity .
Mayroong hinala ang mga otoridad na ang pagpupulong ng mga rebelde ay dahil sa sunod sunod na pagkakadiskubre ng kanilang pinagtataguan ng mga armas at pagkain maging ang sunod sunod na pagbabalik loob sa pamahalaan ng kanilang mga kasamahan.
Maaari ring magpupulong sila bilang paghahanda sa nalalapit na anibersaryo ng rebeldeng pangkat sa buwan ng Marso.
Patuloy ang ginagawang pagtugis sa mga tumakas na NPA matapos maganap ang sagupaan at sa ngayon ay tumutulong na rin ang Philippine airforce na siyang nagbibigay ng closed air and fire support.
Nagtalaga naman ang 5th ID ng mga sundalo sa Sitio Bagsang upang makakuha ng mga karagdagang impormasyon na maaaring makapagturo sa kinaroroonan ng mga rebelde.
Matatandang noong Sabado ay natunton ng Militar ang kuta ng rebeldeng grupo na nagresulta sa ilang minutong palitan ng putok.