-- Advertisements --

Umabot sa mahigit 30,800 katao ang lumikas sa mga ligtas na lugar at kasalukuyang nasa mga evacuation centers sa iba’t ibang munisipalidad sa Aurora, sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan.

Ito ay batay sa ulat na inilabas ngayong araw (Nov. 10) ng Aurora Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Kung babalikan ay naglandfall ang naturang super typhoon sa naturang probinsiya, taglay ang mahigit 230 km/hr na hangin.

Ayon sa PDRRMO, marami sa coastal towns ng naturang probinsiya ay dumanas ng matinding pagbaha dahil sa matataas na alon, kung saan sa ilang lugar ay umabot pa sa mahigit 15 talampakan ang taas.

Sa naging ulat naman ng Aurora District Engineering Office (DEO), ilang pangunahing kalsada sa lalawigan ang pansamantalang hindi madaanan dahil sa mga natumbang puno, debris flow, at pagguho ng lupa.

Sa kabila ng matinding pinsalang dulot ng bagyo, wala namang naitatalang casualty hanggang sa oras na inilabas ang naturang ulat.