CAUAYAN CITY- Bulontaryong sumuko ang nasa 30 na umano’y supporter ng Communist Party of the Phils- New Peoples Army- ( CPP-NPA) sa Mallig, Isabela.
Resulta ito ng pinaigting at pinalakas na kampanya sa ilalim ng programang alinsunod sa Executive Order number 70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ( ELCAC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Melody Grace Ballesteros, Deputy Chief of Police ng Mallig Police Station, bago ang pagsuko ng mga tagasuporta ng CTG ay nakatanggap ng tawag si OIC Chief Of Police PCapt. Joel Bumaglag mula kay Eliseo Arrieta Sr. ‘alyas Bubot’, tumatayong lider ng organisasyong “Timpuyog Dagiti Marigrigat a Residente ti Villa Corazon” para sa kagustuhan nilang sumuko sa pamahalan.
Aniya, batay sa mga sumuko, pinangakuhan sila ng CPP-NPA ng lupa at ipapasakamay sa kanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay.
Mayroon din umano silang koneksyon sa Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela o DAGAMI na inorganisa ni Cita Managuelod.
Ayon kay PLt. Ballesteros, puntirya ng Mallig Police Station na makapagpasuko ng 100 NPA supporters sa Brgy. Villa Corazon, Mallig, Isabela.
Sa ngayon ay pansamantalang bumalik ang mga sumuko sa kanilang lugar at nakahanda na ang ibibigay na tulong para sa kanila.