Ibinunyag ni Pamplona Mayor Janice Degamo na maybahay din ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo na humigit kumulang 30 katao ang napatay umano ng kampo ni suspended Congressman Arnie Teves Jr. sa kanilang probinsiya.
Pagsisiwalat pa ng alkalde na gagawa umano ng masama ang kampo ng mambabatas sa mga tao kapag tumanggi ang mga ito na magpalit ng kanilang political loyalty.
Naipaalam din aniya sila nang bumisita sa Department of Justice, DILG at NBI na mayroong impormasyon na ibinigay sa kanila na nagbigay ng pag-asang mayroong matibay na kaso laban kay Teves.
Matatandaan na noong Marso 7, naghain ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng multiple murder complaints laban kay Cong. Teves at limang iba pa dahil sa tatlong insidente ng pagpatay sa probinsiya noong 2019.
Maliban dito, itinuturing din ng pulisya si Teves bilang isa sa utak ng pagpaslang kay Governor Degamo at walong iba pang mga indibidwal matapos ang pamamaril ng mga armadong kalalakihan sa mismong bahay nito habang namamahagi ng ayuda para sa mga benepisyaryo ng 4Ps noong Marso 4.
Ngunit nauna na ring pinabulaanan ng kampo ni Teves ang mga alegasyon laban sa kaniya kaugnay sa mga insidente ng pagpatay noong 2019 at kay Governor Degamo.