-- Advertisements --

Pinalawak pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang saklaw ng kanilang operasyon sa pamamahagi ng family food packs bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang labis na naapektuhan ng sunud-sunod na mga bagyong humagupit sa bansa kamakailan lamang.

Layon ng hakbang na ito na matiyak na ang kinakailangang tulong ay makarating sa bawat pamilyang nasalanta ng kalamidad.

Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng DSWD, umabot na sa kabuuang 249,477 kahon ng family food packs (FFPs) ang kanilang naipamahagi sa mga pamilyang direktang nasalanta ng mga bagyo.

Sa loob ng kabuuang bilang na ito, mahigit sa 64,000 food packs na ang naipamahagi at naihatid sa Bicol region, isa sa mga rehiyong labis na napinsala ng mga bagyo.

Samantala, higit sa 30,000 na rin ang nakarating sa Cagayan Valley at Western Visayas, mga lugar na humaharap din sa matinding pagsubok dahil sa mga pag-ulan at pagbaha.

Hindi rin tumitigil ang ahensya sa pag-replenish ng kanilang mga warehouse upang masiguro ang sapat na supply ng food packs.

Kasabay nito, puspusan din ang pagpuno ng mga truck na siyang maghahatid ng mga tulong patungo sa mga apektadong lokal na pamahalaan.

Sa kabuuan, umabot na sa higit ₱176 milyong halaga ng humanitarian assistance ang naihatid ng DSWD sa mga rehiyong apektado ng malawakang pag-ulan at pagbaha.

Patuloy namang nakatutok ang kagawaran sa kapakanan ng tinatayang nasa 32,000 pamilyang nananatili pa rin sa iba’t ibang evacuation centers.