ILOILO CITY – Nakapagtala na ng paglubog ng ilang sasakyang-pandagat sa Carles, Iloilo, na sa ngayon ay nasa Signal No. 2 dahil sa bagyong Dante.
Kaugnay nito, patuloy na inaalam ng Philippine Coast Guard (PCG) Iloilo kung may mga casualty o sugatan sa paghagupit ng bagyo sa “extreme” north east portion ng lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PCG-Iloilo Station Commander Edison Diaz na siya ring spokesperson ng Coast Guard Distict Western Visayas, sinabi nito na kinansela na rin nila ang biyahe ng lahat ng mga sasakyang-pandagat via Iloilo City-Bacolod City at vice versa.
Maging ang biyahe ng mga fiber glass na sasakyang-pandagat via Iloilo City-Guimaras at vice versa ay suspendido na rin.
Ito ay matapos isinailalim sa Signal No. 1 ang Iloilo, Guimaras at Antique.