-- Advertisements --

Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o Habagat matapos lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Crising (International name: Wipha) ayon sa state weather bureau ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Huling namataan si Wipha sa layong 935 kilometro ng kanluran ng Itbayat, Batanes, taglay parin ang 110 kph na lakas ng hangin at bugso na hanggang 150 kph, habang kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kph.

Bagamat wala na sa PAR ang bagyo, magdadala pa rin ang Habagat ng malalakas na pag-ulan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro, na may mataas na panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Makakaranas naman ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, at iba pang bahagi ng Ilocos Region.

Habang sa Visayas, at natitirang bahagi ng Luzon, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga Region, asahan ang maulap na kalangitan at kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog.

Samantala, sa nalalabing bahagi ng Mindanao ay makakaranas ng thunderstorm sa gabi.

Ibinabala rin ng weather bureau ang malalakas na alon (hanggang 4.0 metro) sa kanlurang bahagi ng Luzon. Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na bangkang-dagat na huwag munang pumalaot.