ILOILO CITY – Binawian ng buhay ang isang guro habang nakaligtas naman ang dalawang anak nito matapos masagaan ng tricycle sa Brgy. Agnaga, Concepcion, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Major Jonaah Galicha, hepe ng Concepcion Municipal Police Station, sinabi nito na ang biktima ay kinilalang si Tita Pareja, 56, Brgy. Puente Bunglas, Ajuy, Iloilo, nagtamo naman ng sugat sa ulo ang anak nito na si Carol, 29, habang maswerte namang nakaligtas si Lino, 14.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad ang mag-ina sa Brgy. Agnaga ng masagasaan ng tricycle na minamaneho ni Adonis Bansa, 25, ng Brgy. Tipacla, Ajuy, Iloilo.

Depensa ng driver, hindi niya nakita na naglalakad ang mag-ina sa tabi ng daan dahil sa maliwanag na headlight ng kasalubong na sasakyan kung saan nagtamo rin ng sugat sa ulo ang pasahero na si Rachelle.

Sa ngayon, nasa kostudiya na ng otoridad ang driver ng tricycle.