Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba sa posibleng epekto nang pagkain ng mga prutas at gulay na nabalot sa abo na ibinuga ng Taal Volcano sa mga nakalipas na araw.
Sa press briefing sa Malacañang, nilinaw ni Health Usec. Eric Domingo na maaring kainin ang naturang mga gulay dahil sa walang kakayahan ang mga ito na makapag-absorb ng toxins mula sa ashfall ng Taal Volcano.
Subalit paalala ni Domingo na dapat hugasan muna ng husto ang mga gulay at prutas na ito bago kainin.
Sa ngayon, sinabi ng Department of Agriculture tinatayang P577.4 million na ang inisyal na pinsalang idinulot sa pagsasaka nang pag-alburoto ng Taal kabilang na ang 2,700 ektarya ng taniman at humigit kumulang 2,000 hayop.
Muling binigyan diin naman ni Domingo ang apela ng DOH na iwasan na muna ang pagkain ng isda na galing sa Taal Lake dahil maaring apektado na ang mga ito sa mga toxic chemicals na inilalabas ng Taal.
Posible kasi aniyang natunaw sa tubig ang mga toxic mula sa Bulkang Taal at nakain ito ng mga isda na maaari namang maipasa sa tao.
Hintayin na lamang aniya ang go-signal ng mga eksperto kung maaari nang muling kainin ang mga isda galing ng Taal Lake. (with report from Bombo Reymund Tinaza)