Tiwala si Senate Committee on Basic Education chairperson Sherwin Gatchalian na magandang development ang pagdami ng mga paaralan sa bansa na naglalagay ng CCTV sa kanilang mga pasilidad.
Ginawa ni Gatchalian ang naturang pahayag sa ginanap na pagdinig ng Senado kahapon sa implementation ng Magna Carta for Public School Teachers.
Sa kabila nito ay sinabi ng senador na kailangan pa rin ng Department of Education (DepEd) na gumawa ng guideline para sa paggamit ng mga eskwelahan sa naturang equipment.
Maging ang distribution ng mga footages nito ay kailanganan ding alinsunod sa guidelines na ilalabas ng kagawaran upang maiwasan ang “trial by publicity” sa mga guro.
Nais daw ng senador na iwasan ang sitwasyon kung saan basta na lamang lalabas ang mga CCTV videos na walang pahintulot.
Bago ito ay inilatag muna ni Atty Joseph. Noel M. Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), ang kaniyang pagkabahala sa Section 8 ng naturang batas.
Kung pagbabatayan daw kasi ito ay mababatid na hindi maayos na nasusunod ang batas dahil ilang CCTV footage na ng mga guro ang kumalat sa social media.
Paliwanag naman ni DepEd Undersecretary Jess Mateo na muling hinihimay ng kagawaran ang existing guidelines tulad ng Department Order No. 49 series of 2006, pati na rin ang nakaraang panuntunan upang makita kung ito ba ay alinsunod sa Data Privacy Act at Child Protection Act.