Iginiit ni Senadora Imee Marcos na hindi nararapat pagkalooban ng clearance si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng aplikasyon nito na maging Ombudsman.
Naghain si Marcos ng motion for reconsideration sa desisyon ng Ombudsman na ibasura ang kanyang mga reklamo laban kay Remulla at iba pa.
Dahil dito, nananatili umanong may nakabinbin na kaso laban sa kalihim.
Kinakailangan ni Remulla ang sertipikasyon mula sa Ombudsman na wala siyang kinahaharap na reklamo, isang requirement ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa aplikasyon sa nasabing posisyon.
Matatandaang sinampahan ng reklamo ni Marcos si Remulla, ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at iba pa, kaugnay ng umano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa pagsuko nito sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Babala ng senadora, sinumang maglalabas ng clearance kay Remulla sa kabila nito ay maituturing na kasabwat sa panlilinlang.