Sanchez BuCor

Kasunod nang napabalitang posibleng pagpapalaya sa dating alkalde ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez, nais ngayon ng Department of Justice (DoJ) na higpitan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, partikular na patutukan niya sa BuCor ang pagbibigay ng GCTA sa mga bilanggong nasintensiyahan dahil sa ginawang serious crimes.

Kailangan daw munang matukoy ng BuCor kung eligible ang isang bilanggo na mabigyan ng GCTA.

Paliwanag ng kalihim, saka pa lamang papasok ang computation para sa GCTA kapag nadetermina nang may good conduct ang isang convict habang nasa loob bilangguan.

Dagdag ng kalihim, kailangan din nilang i-review ang guidelines ng GCTA para malaman kung masyado ba itong maluwag.

Inamin naman ni Guevarra na hindi pa maayos ang guidelines ng GCTA ng BuCor.

Sinabi ng kalihim na kailangan pang patibayin para maging malinaw ang guidelines.

Maganda umano itong oportunidad para marepaso at mabusisi pa ang internal rules ng BuCor sa GCTA.

Si Sanchez ay unang napaulat na lalaya na pero pinabulaanan naman ito ni DoJ Usec. Markk Perete at sinabing espekulasyon pa lang ang sinasabing pagpapalaya sa dating alkalde.