Kasunod na rin ng pagkamatay ng isang senior citizen sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin, naglabas kaagad ang Quezon City government ng kanilang guidelines para sa pagtatayo ng mga community pantries sa lungsod.
Ito ay para matiyak na nasusunod ang mga health protocols at mapanatili ang peace and order sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa memorandum na may petsang Abril 23, 2021 na pirmado ni Mayor Josefina “Joy” Belmonte nasa siyam ang nilalaman ng protocol sa mga gustong magpatayo ng kanilang community pantries.
Kabilang dito ang koordinasyon sa mga barangay, sumunod sa covid health protocols, kailangang maging maayos at mayroong magmamando sa mga pantries.
Kasama pa rito ang oras ng pagbubukas ng mga pantries na alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Dapat ding panatilihin ng mga organizers ang sanitation at cleanliness sa mga pantries.
Responsibilidad din dapat ng mga organizers ang food safety at kailangang fresh o hindi pa expired, hindi rin panis ang mga ipapamahaging mga pagkain.
Kailangan din ng mga organizers na maging patas sa pamamahagi ng mga pagkain sa pamamagitan ng paggamit ng points systems, pagbibigay ng mga stubs o coupons para sa mga bona fide residents lamang.
Maliban dito, kailangan ding makipag-ugnayan ang mga organizers sa Law and Order Cluster, regulatory departments at sa barangay.
At panghuli, ang guidelines ay epektibo na ngayon, maliban na lamang kung mayroong pagbabago rito o tuluyang bawiin ng City Mayor.
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya sinabi nitong wala silang nakikitang dahilan para ipatigil ang mga community pantries sa bansa dahil malaki raw ang tulong nito ngayong panahon ng pandemic.