Nanawagan ang Concerned Citizens and Taxpayers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad sibakin si Health Secretary Teodoro Herbosa at pabilisin ang aksyon sa mga reklamong nakabinbin sa Office of the Ombudsman.
Giit ng grupo, dapat tiyakin ng Malacañang na transparent at independent ang imbestigasyon, lalo na’t umano’y posibleng maimpluwensyahan ang proseso dahil ang bagong Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla ay kapwa Upsilon fraternity member ni Herbosa.
Isinumite ng grupo ang kanilang reklamo kay Executive Secretary Ralph Recto sa pamamagitan ng 8888 hotline.
Ayon sa kanila, maaaring naaantala ang mga kaso dahil sa umano’y pagbanggit nina Herbosa at ng kanyang executive assistant Allan Tope sa isang Atty. Emman Pichay, na sinasabing konektado sa Office of the First Lady at sangkot sa ilang transaksyon sa DOH.
Kabilang sa reklamong inihain ang umano’y kuwestiyonableng paglalabas ng ₱44.6 milyon na psychiatric medicines sa Rotary Club of Quezon City, isang pribadong organisasyong hindi lisensyado ng DOH; hindi naliliquidate na ₱1.29 bilyong cash advances para sa UNICEF; at pag-apruba sa ₱524-milyong procurement request. Tinukoy din nila ang umano’y 245-araw na delay sa pagresolba ng procurement protests.
Ipinunto rin ang umano’y conflict of interest ni Herbosa dahil sa relasyon niya sa Zuellig Pharma, kasabay ng mga procurement sa kumpanya tulad ng Inactivated Polio Vaccine (₱674.1 milyon), Rituximab (₱122.9 milyon), at Rabies Vaccine (₱24.9 milyon).
Kabilang din sa reklamo ang umano’y pakikialam nina Herbosa at Tope sa ₱1.8-bilyong procurement para sa mobile primary care units at ang umano’y hindi makatarungang reshuffling ng DOH personnel.
Iginiit ng grupo na panahon nang kumilos ang pamahalaan, sabing ang mga alegasyong ito ay “nakasisira” sa anti-corruption campaign ng administrasyon.
Ipinunto rin ng grupo ang umano’y hindi makatarungang pagrereshuffle at pagtanggal ng mga DOH officials at kawani, na anila’y nagdudulot ng kalituhan at nakakasira sa continuity ng mga health programs ng ahensya.










