Dahil na rin umano sa nagbabadya na namang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ika-11 sunod-sunod na linggo, mapipilitan na raw ang mga driver ng public utility jeepneys (PUJs) na magbawas ng kanilang mga biyahe.
Ito ay para makatipid sa pera at krudo.
Sinabi ni 1-UTAK chair Atty. Vigor Mendoza II, na asahan na ng publiko ang pagbaba ng mga jeepney units na papasada sa ilang ruta sa buong bansa bukas o sa Miyerkules.
Ayon kay Mendoza, isa sa mga idinadahilan ng drivers ang mataas na presyo ng petrolyo dahil malulugi ang mga ito kapag tataas pa ulit ang presyo ng petrolyo bukas.
Tinitignan din aniya ng mga driver ang maintenance ng sasakyan at ang posibilidad na maaksidente ang mga ito habang nasa biyahe na magiging dagdag pasanin pa ng mga ito kung sakali.
Dagdag ni Mendoza, tototohanin daw ng mga driver ang kanilang banta na stop operations pero hindi naman ito bilang protesta kundi dahil sa kawalan na ng pera ng mga ito.
Ilan na rin aniya sa mga jeepney operators ay ibinaba na ang kanilang boundaries sa 60 percent para matulungan ang mga driver.
Inirekomenda rin nito sa pamahalaan na magpatupad na ng designated stops sa mga PUJ para makatipid ng kahit limang porsiyento ang mga driver kada linggo o katumbas ng P75 hanggang P100 savings kada araw.
Paliwanag niya, ang mga jeep kasi ay saan-saan lamang humihinto kung nasaan ang mga pasahero kaya mainam na mayroong
Sa fuel forecast mula Enero 15 hanggang 21, sinabi na ng Unioil Petroleum na posibleng pumalo ang kada litro ng diesel sa P12.20 hanggang P12.30.
Ang gasolina naman ay posibleng pumalo sa P6.80 hanggang P7 ang umento sa kada litro.
Sinabi naman ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, na malaki itong sorpresa sa mg tsuper na tatamaan ng malakihang increase.