Dumulog ngayong araw sa Supreme Court (SC) ang ilang drivers ng mga tradisyunal na jeep para maghain ng petisyon laban sa pamahalaan.
Kaugnay pa rin ito sa hindi pa rin pagpayag ng pamahalaan sa ilang ruta na makabiyahe dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa grupo, walang basehan ang patuloy na pagsuspindi sa operasyon ng tradisyunal na jeep kahit pa ang ibang public utility vehicles (PUVs) gaya ng bus ay balik-pasada na.
Sinabi ng grupo na hindi na umano makatarungan ang ginagawa ng gobyerno dahil ang ibang lang ang pinayagang makapasada.
Kung maalala nang ipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso ay ang pagpapatigil sa pasada ng mga jeep ang isa sa mga unang ipinatupad ng pamahalaan.
Pero nang unti-unti nang magbukas ang transportasyon gaya ng tren at bus ay nasa 6,000 mula sa kabuuang 55,000 na units ng jeep pa lamang ang pinayagang makapasada.
Dahil dito, magsasampa raw ang grupo ng reklamo laban sa mga kautusang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transporation (DoTr), Inter Agency Task Force (IATF) patungkol sa mass transportation.
Ang grupo ay pinangunahan ng National Confederation of Transport Workers’ Union (NCTU) abogado ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS).
Sinabi ni Ernie Cruz, pinuno ng NTCU, sana magising na ang DoTr dahil hindi umano maganda ang desisyon nila na ipahinto pa rin ang biyahe marami pang ruta ng mga tradisyunal na jeepney lalo’t maraming naiwang nagugutom, namamalimos dahil nawalan ang kabuhayan.