CAUAYAN CITY – Positibong hinalay ang isang dalagitang natagpuang patay sa irigasyon sa Bella Luz, San Mateo, Isabela.
Ang biktima ay si Princess Diane Corpuz, 13 anyos, grade 8 student at residente ng naturang barangay.
Lumabas sa pagsusuri ng isang doktor at Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinalo ng matigas na bagay ang kanyang ulo at hinalay ang dalagita dahil may laceration sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa kapatid ng biktima na si Michael Corpuz, iniwan nila ang biktima na nag-aaral at sumasagot sa kanyang mga module sa kanilang bahay dahil dinala niya sa ospital ang kanyang misis para ipasuri.
Gabi noong Lunes, ika-26 ng Oktubre 2020 nang hindi na nila madatnan sa kanilang bahay ang kapatid na kanyang hinanap ngunit hindi niya natagpuan.
Umaga ng October 27, 2020 nang ipabatid sa kanila na natagpuan ang bangkay ng kanyang kapatid sa irrigation canal na 300 meters ang layo mula sa kanilang bahay.
Nang iahon ang biktima sa irrigation canal ay wala na ang panloob na kasuotan nito at nakababa rin ang kanyang short pants.
Humihingi ng katarungan ang kapatid ng dalagita at gusto nilang madakip agad ang suspek para wala nang matulad sa kanyang kapatid.
Ayon kay Michael, matalinong bata ang kanyang kapatid at gustong maging pulis.
Ulila na sila sa ina at hindi nila kasama ang ama kaya pansamantala munang nakatira sa kanilang bahay ang kanyang kapatid.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng San Mateo Police Station para matukoy at madakip ang suspek.