CEBU CITY – Kumbinsido ang pamilya Silawan sa naging findings sa isinagawang reautopsy ng forensic expert ng Public Attorney’s Office (PAO) sa katawan ni Christine Lee Silawan na brutal na pinatay at binalatan pa ang mukha sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa ina ng biktima na si Lourdes Silawan, sinabi nito na pagkakita pa lang nito sa kalunus-lunos na kalagayan ng kanyang anak, alam nitong ginahasa muna ang kanyang anak bago pinatay.

Kaya aniya ito pumayag na muling ipa-autopsy sa forensic expert ng PAO, ay dahil lumabas sa unang autopsy report na isinagawa ng Philippine National Police na walang nakitang indikasyon na ginahasa ang kanyang anak.

Sa kabila ng panibagong findings, mas lalong hindi matanggap ni Ginang Lourdes ang sinapit ni Christine Lee.

Gayunman, umaasa pa rin ito na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak gaya ng ipinangako sa kanya ng PAO sa burol ni Christine Lee.

Napag-alaman na una nang kinumpirma ni Dr. Erwin Erfe ng PAO na may mga nakita silang indikasyon na ni-rape ang biktima bago ito pinatay.

Sinakal din umano ito, ginapos ang kanyang mga kamay at posible rin daw binuhusan ng kemikal ang mukha nito bago binalatan .