Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “on top of the situation” ang gobyerno matapos tumama ang malakas na magnitude-6.4 na lindol sa Abra at iba pang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Pangulong Marcos, habang patuloy ang mga aftershocks, nananatili daw ang pakikipag-ugnayan nila sa mga ahensya kabilang na ang DPWH para sa inspeksyon ng mga kalsada at gusali, sa ahensiya ng DSWD para sa relief, DOE para sa mga outage at DILG para naman sa monitoring.
Pinaalalahanan din ni Marcos ang mga tao sa mga apektadong lugar na manatiling mapagmatyag habang patuloy na nakararanas ng aftershocks ang rehiyon.
Dagdag pa niya, ang lahat ng residente ay dapat na lumayo sa mga matataas na imprastraktura upang maiwasan ang maaari pang mangyaring sakuna.
Kaugnay niyan, binanggit din ng pangulo na ang mga apektadong residente ay humihingi ng mga tolda at pansamantalang tirahan dahil sila ay lumikas sa kani-kanilang mga tahanan.
Una rito, niyanig ng lindol ang ilang bahagi ng Abra, Cordillera, Ilocos Norte, at Ilocos Sur noong Martes, na nag-udyok sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na ito na suspendihin ang mga klase noong Oktubre 26 habang sinusuri nila ang mga istruktura kung may mga pisikal pang napinsala.