-- Advertisements --

Binigyang diin ng kataastaasang hukuman na ang mga empleyado ng gobyerno na mapag-aalaman o magpopositibo sa drug test ay hindi dapat agarang sibakin.

Kung saan, iginiit ng Korte Suprema na nararapat lamang bigyan ng pagkakataon ang mga government employees na positive sa paggamit ng illegal drugs na sumailalim muna sa rehabilition.

Ayon kay Atty. Camille Sue Mae Ting, tagapagsalita ng Supreme Court, base sa naging desisyon ng naturang korte, ang ‘dismissal’ ay ikukonsidera lamang sakaling bigo o tumanggi ang mga ito na makipagtulungan sa intervention program.

Kaugnay ito nang pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals matapos hatulan si Muntinlupa City Office Engineer Carlito P. Salomon na guilty ng grave misconduct dahil sa pagpositibo sa drug test, paggamit ng shabu dalawang beses.

Ngunit, sinuspinde naman ng kataastaasang hukuman ang mga penalties na ipapataw sana at inatasang isailalim muli sa drug testing ito.

Anila’y sakaling magnegatibo ito, wala ng ‘treatment’ na kailangan pang pagdaanan at maari pang ma-reassess ang pagbibigay benepisyo at eligibility na kanyang gugugulin sa public service.

Sa kabalia nito, kung positibo naman siya’y dapat itong sumailalim sa drug dependency examination at pumasok pa sa intervention program.

Matapos nito ay maari siyang i-assess muli ng Civil Service Commission at macertify ng kanyang doctor na siya’y fit to work na.

Dagdag pa rito, naniniwala ang Korte Suprema na ang ‘addiction’ o paggamit ng ilegal na droga ay hindi lamang krimen kundi ito’y sakit na kinakailangan ng lunas.