Higit 11,000 test kada araw daw para sa COVID-19 ang ginagawa ng Philippine Red Cross sa nakalipas na mga buwan, pero mula nang ipahinto ng PRC ang pagsasagawa ng test noong nakaraang linggo, bumagsak sa higit 1,000 tests na lang kada araw ang nagagawa ng kanilang mga laboratoryo.
Pero ayon kay Sen. Richard Gordon, na siyang chairman ng PRC, hindi ito ang issue. Dapat bayaran nang buo ng PhilHealth ang utang nitong higit P1-bilyong sa COVID-19 tests.
“They should pay the whole amount kasi mahirap na nakabitin kami eh. Tingnan mo, magbabayad ng kalahati, kalahating bilyon ang utang. Anong mangyayari ngayon? Palalakihin na naman. Edi nini-niyerbos kaming lahat,” ani Gordon sa press conference.
“Kung mayroon lang kaming pera, we will test. We are able to test beyond 100 million, 200 million. Then nagbayad sila ng P700-million, pagkabayad, inulit na naman. Pinatagal na naman (ang pagbabayad).”
Nababahala ang senador na kung hindi magbabayad ang state-health insurer ay tuluyan ding bumaba ang testing output na nagagawa ng Red Cross para makatulong testing strategy ng pamahalaan.
Nakakatanggap naman daw sila ng tulong mula sa International Federation of Red Cross, pero hindi daw pwedeng dumepende lang dito ang kanilang institusyon para sa iba pang gastusin sa operasyon, partikular na ang pambayad sa mga staff at healthcare worker. Marami rin umano sa kanilang mga empleyado ang hindi bayad sa COVID-19 response.
Ayon kay Gordon, napilitan siyang pagpahingahin sa trabaho ang ilang medical technologists at ginawa munang on-call dahil wala na silang pambayad sa sweldo. Nasa P35,000 daw kasi ang binabayad ng PRC sa mga medtech.
Kung ihahambing sa presyo ng testing sa ibang private laboratories, mura na raw kung tutuusin ang sa PRC. Kaya naman ipinagtataka raw ng opisyal kung bakit hindi makabayad ang PhilHealth, kahit na ipinagyayabang din daw nila na may pera sila.
Kinuwestyon din ng opisyal ang pagtutol ng ilang local experts sa saliva testing, na nakitaan na raw ng magandang epekto sa testing ng ibang bansa, at isinusulong din ng PRC para sa bansa.
“Natatakot ata si (Atty. Dante) Gierran na pagka wala na si President Duterte, siya ang pag-iinitan. Hindi ko maintindihan, ang sinasabi nila ‘may pera kami,’ eh bakit hindi bayaran?”
Nababahala ang senador sa posibilidad na lumobo muli ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, kung mas kakaunti na lang ang taong makakapag-patest. Kawawa rin daw ang mga stranded na OFW na napilitan na ring maglabas ng kanilang pera para lang makapag-patest at makauwi.
Ayon sa isang opisyal ng IFRC sa Pilipinas, ang PRC lang ang natatanging hanay ng Red Cross sa buong mundo ang nagkaroon ng inisyatibo na i-test ang populasyon.
“The PRC is setting the standard worldwide for humanitarian organization’s testing. That accomplishment is a critical life saving action, but they can’t do it alone.”
Sinabi ni Pangulong Duterte noong Lunes na babayaran ng gobyerno ang utang ng PhilHealth sa Red Cross.
Sa panig naman ng state-health insurer, babayaran lang daw nila ang outstanding balance kapag naglabas na ng opinyon sa validity ng kasunduan nila ng PRC ang Department of Justice.
Ang Department of Health naman, wala pang pahayag sa mga inilahad ng PRC chairman. Pero una nang sinabi ni Health spokesperson Maria Rosario Vergeire, na habang nire-resolba ang gusot sa pagitan ng Red Cross at PhilHealth ay may mga nakahandang laboratoryo na sasalo sa testing ng mga apektadong sektor.