Nakatakdang maglabas ng subpoena ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senator Ronald ”Bato” dela Rosa bilang bahagi ng muling pagbubukas ng imbestigasyon sa mahigit 100 reklamo kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa Davao Region.
“The CIDG will issue a subpoena tomorrow to General De La Rosa to appear personally before the CIDG office here in aid of the investigation of the previous crimes,” ani Remulla.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ipapatawag ang senador upang personal na humarap sa CIDG bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga insidente noong siya pa ang Davao City Police Office director at regional police chief sa rehiyon.
Nilinaw din ng opisyal na hindi arrest warrant mula sa International Criminal Court ang ipapadala at wala ring planong arestuhin si dela Rosa.
“There will be no handcuffs. It is merely a subpoena for investigation, not an arrest warrant,” dagdag ng Kalihim.
Sinabi ng CIDG na nais nitong direktang makuha ang panig ni dela Rosa, na dati ring naging hepe ng Philippine National Police sa kasagsagan ng war on drugs campaign ng dating administrasyon.
Sa kabilang banda inilagay na rin sa alert status ang mga paliparan, pantalan, at iba pang exit points sa bansa upang mabantayan ang galaw at posibleng pag-alis ng senador habang isinasagawa ang imbestigasyon.















