Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na walang senyales ng hantavirus infection ang 38 Pilipinong tripulante na sakay ng cruise ship na MV Hondius na kasalukuyang nakadaong malapit sa Cape Verde.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ang mga Filipino crew ay nasa ilalim ng quarantine protocols habang nasa Cabo Verde.
Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), 147 katao ang sakay ng barko kung saan tatlo ang nasawi, kabilang ang isang Dutch couple na kumpirmadong nahawaan ng hantavirus.
May kabuuang pitong kaso ng sakit ang naitala sa barko, habang patuloy ang monitoring ng mga health authorities sa iba pang pasahero at crew.
Ilan sa mga pasyente ay dinala sa ospital sa South Africa, habang ang iba ay nakatakdang i-evacuate sa Netherlands para sa karagdagang gamutan.
Ayon sa DOH, mananatiling nasa ilalim ng quarantine at testing ang mga seafarers bago payagang makauwi ng Pilipinas, alinsunod sa protocols ng mga bansang kanilang dadaungan tulad ng Spain (Canary Islands).
Kapag dumating sa bansa, daraan din sila sa health screening ng Bureau of Quarantine.
Ang insidente ay inihalintulad sa mga quarantine cruise ship noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ngunit sinabi ng DOH na mas handa na ngayon ang mga bansa sa ganitong mga public health emergencies.
Ang hantavirus ay isang nakamamatay na sakit na naipapasa sa pamamagitan ng exposure sa ihi, laway, o dumi ng daga. Wala pa itong tiyak na lunas at maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon kung hindi agad maagapan.
Patuloy na mino-monitor ng WHO ang sitwasyon habang iniimbestigahan kung posible ang human-to-human transmission sa ilang close contacts ng mga pasyente.
















