-- Advertisements --

Sa kabila ng optimistikong pahayag ng pamahalaan na malapit nang maging upper middle-income country ang Pilipinas, kinuwestiyon ito ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), kasunod ng patuloy na mababang sahod at pagtaas sa presyo ng bilihin.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Carlos Miguel Oñate, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines, sinabi nito na higit limang milyong minimum wage earners sa bansa ang patuloy na kumikita ng mas mababa sa poverty threshold, habang kinakaltasan pa ng buwis at iba pang deductions ang kanilang sahod.

Ayon kay Oñate, nagiging walang saysay ang sinasabing positibong macroeconomic outlook kung hindi direktang nararamdaman ng ordinaryong manggagawa ang pag-unlad.

“Paano ka magiging upper middle income kung ang ating mga kababayan na minimum income earner ay walang katapusang buwis at kaltas ang natatanggap sa sweldo? na napunta pa sa krisis ay lumalagapak sila papunta dun sa lower income,” saad kay Oñate.

Binigyang-diin din niya na ang hindi pa nareresolbang malakihang isyu ng korapsyon—na umaabot sa trilyong piso—ay nagpapahina sa tiwala ng mga mamumuhunan at pumipigil sa tunay na pag-asenso ng ekonomiya.

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na unahin ang paglutas sa korapsyon at pagtaas ng sahod ng mga manggagawa bilang pundasyon ng isang inklusibo at matatag na ekonomiya.

“Hindi tayo nakalimot sa trillion pesos higit na corruption scandal nung last year na until now left unaddressed. walang mag-iinvest sa isang bansa na ninanakaw lang yung kaban ng bayan. so lahat ng ito ay dapat tugunan ng pamahalaan,” dagdag pa niya.