-- Advertisements --

Nagbabala ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP Laban) laban sa mga susuporta sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa partido, hindi nito tatanggapin sa kanilang party ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment ng bise presidente.

Iba-blacklist umano ang mga ito at hindi papayagang tumakbo sa ilalim ng PDP Laban sa mga susunod na halalan. Posible rin umanong maglatag ng katapat na kandidato laban sa kanila.

Giit ng PDP Laban, hindi ito pagbabanta kundi bahagi ng tinatawag nilang “political accountability” kaugnay ng umano’y politically driven impeachment laban kay Sara Duterte.

Samantala, inihayag naman ni VP Sara sa panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi niyang isa na siyang “presumptive candidate” matapos ideklara ang intensyon na tumakbo sa susunod na presidential elections.

Patuloy naman ang pag-usad ng impeachment complaints laban sa kanya sa House Committee on Justice matapos aprubahan ang Articles of Impeachment.

Kabilang sa mga akusasyon sa Ikalawang Pangulo ang umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds, pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Nakatakdang dalhin sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang impeachment report para pag-botohan na kinakailangan ng 106 boto bago ito maipasa sa Senado na magsisilbing impeachment court.