-- Advertisements --

Napigilan ng Golden State Warriors ang 4th quarter comeback ng Minnesota Timberwolves at ibinulsa ang Game 1, hawak ang 11 points na kalamangan, 99-88.

Ito ay sa kabila ng tuluyang paglabas ni NBA superstar Stephen Curry sa unang bahagi ng 2nd quarter at hindi na bumalik pa hanggang matapos ang laban.

Pinangunahan ni Butler ang Golden State at gumawa ng 20 points, 11 rebounds double-double performance, kasama ang walong assists at dalawang steal.

Muli ring nagpamalas ng magandang opensa si Buddy Hield at nagpasok ng limang 3-pointer, daan upang iposte ang 24 points kasama ang walong rebounds.

Hinabol ng Wolves ang 20 points na 3rd quarter deficit sa pangunguna ni Anthony Edwards, ngunit tanging siyam na puntos ang nagawa nilang burahin sa kabuuan ng 4th quarter, 28-19.

Nasayang ang 23 points at 14 rebounds ni Anthony Edwards, kasama ang 18 points ng forward na si Juluis Randle.

Sa 23 points ni Edwards, 13 dito ang nagawa niyang ipasok sa 4th quarter, kasabay ng pagtatangka ng Wolves na habulin ang 20-point deficit.

Sa pagkatalo ng Wolves, tanging limang 3-pointer lamang ang kanilang naipasok mula sa 29 na pinakawalan. Kung isasama ang 3-pointers na naipasok nila sa nakaraang game kontra Los Angeles Lakers, tanging 12 3-pointer lamang ang nagawa nilang ipasok mula sa 76 na pinakawalan. Ito ay katumbas lamang ng 15.7%, ang pinakamababang 3-point percentage sa kasaysayan ng playoffs sa NBA, sa loob ng 2-game span.

Samantala, kinumpirma na rin ng Golden State na nagkaroon ng hamstring strain si Curry at hindi pa malinaw kung makakapaglaro siya sa susunod na game na gaganapin pa rin sa homecourt ng Timberwolves.

Sa tuluyang paglisan ni Curry sa Game 1, kumamada na siya ng 13 points at nakapagpasok ng 5 shots mula sa siyam na pinakawalan. Sa limang shot na ito, tatlo ay mula sa 3-point line. (report by Bombo Genesis)