-- Advertisements --

Tinututukan ng gobyerno ng Pilipinas na mapigilan ang posibleng pagkaubos ng suplay ng langis sa bansa, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.

Bagamat sapat pa ang suplay para sa Abril, pinipigilan ng pamahalaan ang worst-case scenario na pagkaubos ng suplay.

Ibinabala ng kalihim na magdudulot ng malaking panganib ang kakulangan ng suplay ng langis kesa sa pagsipa ng presyo nito sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, na nakakaapekto sa pandaigdigang merkado.

Kaugnay nito, inihayag ni Sec. Garin na humahanap na ang pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan para mapunan ang inaangkat na langis sa gitna ng walang katiyakan sa pandaigdigang suplay.

Aniya, sakaling magtagal ang kaguluhan sa rehiyon, mas maraming bansa ang magsasara at ititigil ang pagluluwas ng langis.

Kayat mas kritikal ngayon na matiyak na mayroong suplay ng langis kesa mapangasiwaan ang pagtaas ng presyo nito.

Babala ng kalihim na maaaring magdulot ng pagkaantala sa transportasyon at maapektuhan ang air at sea travel gayundin ang delivery ng mga produkto kung magkaroon ng pagkagambala sa suplay.

Inamin naman ni Sec. Garin na maraming nag-aalok sa bansa subalit ibinibenta sa mas mataas na presyo. Gayunman, nakahanda aniya ang pamahalaan na magbayad ng premium para matiyak na mayroong suplay ng langis ang bansa.