-- Advertisements --
image 252

Ibinunyag ni Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na nakikipag-usap na ang goberno ng Pilipinas sa Amerika para sa posibleng paggamit ng mga assets nito para mai-repatriate ang mga Pilipino na maaapektuhan sakaling sumiklab ang kaguluhan sa Taiwan.

Inihayag ito ni Secretary Galvez sa Senate inquiry kaugnay sa mga isyu na bumabalot sa existing deal ng Amerika at Pilipinas partikular sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sakali aniya maglunsad ng pag-atake ang pwersa ng China sa Taiwan, ang prayoridad aniya ay ang kapakanan ng mga OFW sa naturang isla.

Ayon pa sa DND official na posibleng kailanganin ng Pilipinas na ma-repatriate ang nasa 150,000 Pilipino na nagtratrabaho sa Taiwan.

Maaari aniyang palawigin ang humanitarian assistance para sa evacuations ng mga OFW sa tulong ng ibang mga bansa.

Ipinunto din ni Galvez na ikinonsidera din sa pagpili ng strategic locations para sa EDCA dahil sa kinakaharap na tensiyon sa rehiyon upang mapaghandaan ang mga ganitong pangyayari simula ngayon.

Idinulog na rin ayon kay Galvez ang naturang concern ng ating bansa kaugnay sa sitwasyon ng ating mga kababayang OFW sa Taiwan sa idinaos na ikatlong US-Philippines 2+2 Ministerial Dialogue sa Washington noong nakalipas na linggo.

Ang hakbang na ito ng Pilipinas ay kasunod na rin ng statement ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kung saan pinayuhan nito ang gobyerno ng Pilipinas na tutulan ang kasarinlan ng Taiwan kung tunay itong nagmamalasakit sa 150,000 OFWs na nasa Taiwan.