Malaki ang magiging tulong ng Media and Information Literacy campaign upang puksain ang laganap na fake news sa ating bansa.
Ito ang isa sa layunin ng nasabing kampanya matapos na ilunsad ng Presidential Communications Office (PCO) kasama ang mga partner agencies ang isang Media and Information Literacy (MIL) campaign para matugunan ang mga alalahanin sa disinformation at maling impormasyon.
Sinabi ni PCO Sec. Cheloy Garafil na kasama sa kampanya ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Garafil na ang Media and Information Literacy ay isasama sa kurikulum ng mas mataas na edukasyon, mga programa sa pagsasanay na nakabatay sa komunidad, at mga programang nakatuon sa pamilya.
Ang mga kumpanya ng social media at kanilang mga platform ay inaasahan din na makipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga tool at pagdaraos ng pagsasanay upang labanan ang disinformation at maling impormasyon.
Noong Marso, sinabi ni Garafil na ang paglaban sa fake news ay isa sa mga priyoridad ng kasalukuyang administrasyon.
Noong Hunyo, una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa International Conference of Information Commissioners na ang fake news ay hindi dapat magkaroon ng lugar sa modernong lipunan lalo na sa Pilipinas.