Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang agarang pagkakaloob ng tulong para sa pagpapalibing sa mga pamilyang naulila at namatayan dahil sa malakas na lindol na yumanig sa Cebu.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, bukod pa sa naturang burial assistance, ang bawat pamilya ay makakatanggap din ng ₱10,000 tulong pinansyal mula sa ahensya.
Kasalukuyan nang masusing inaalam at kinakalap ng DSWD Field Office Central Visayas ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa kanilang nasasakupang lugar.
Sa ngayon, patuloy na tumataas ang bilang ng mga namatay, gayundin ang mga nasugatan at nawawala dahil sa nangyaring magnitude 6.9 na earthquake sa Central Visayas.
Ayon sa DSWD, ang Lalawigan ng Cebu ay isinailalim na sa State of Calamity. Ito ay upang mapabilis ang pagpapakilos ng mga ahensya ng gobyerno at ang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga biktima ng lindol.
Dagdag pa ni Dumlao, personal na nag-iikot sa Cebu si Secretary Rex Gatchalian upang direktang masaksihan ang sitwasyon at alamin ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Titiyakin ng ahensya na walang pamilyang mapapabayaan at lahat ay makakatanggap ng sapat na tulong mula sa pamahalaan.