LEGAZPI CITY- Hindi na nailigtas pa ang buhay ng isang ginang sa Albay matapos pagtatagain ng sarili nitong asawa sa Barangay Tula-Tula , Pequeno, Ligao City.

Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap ng tawag ang Ligao City Police mula kay punong barangay Leonora Bonde hinggil sa insidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pinagtataga ng suspek na si Segundo Patiga, 46-anyos ang sarili nitong asawa na si Marites Patiga, 42-anyos sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Matapos ang krimen ay nagtangkang magpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pagsaksak nito sa sarili.

Agad naman na naitakbo sa pagamutan ang mag-asawa subalit idineklarang dead on arrival si Marites habang patuloy na ginagamot ngayon sa ospital ang suspek.

Samantala, selos umano ang ugat ng pag-aaway ng mag-asawa na nauwi sa karumal-duman na krimen.