BAGUIO CITY – Nilinaw ni PNP chief PGen. Archie Francisco Gamboa na isang “misrepresentation” ang ginagawang profiling umano ng pulisya sa iba’t ibang mga grupo.
Dahil dito, sinabi ni Gamboa na maituturing na “wake up call” ito sa PNP.
Umani kasi ng kaliwa’t kanang reaksyon at batikos ang ginawang pangangalap ng listahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga estudyanteng Muslim sa Metro Manila.
Maging ang ginawang pag-imbita ng Makati City Police Office sa transgender na si Anne Pelos sa presinto noong Pebrero 14 ay inalmahan din ng marami.
Pinaalalahanan ni Gamboa ang kaniyang mga regional at district directors na maging maingat sa pagbibigay ng direktiba na makakaapekto sa ibang mga sektor ng lipunan.
Nitong Biyernes nggabi, binawi ni NCRPO Director PMGen. Debold Sinas ang memorandum nito kaugnay sa updated list nito sa mga estudyanteng Muslim sa high school at kolehiyo sa Metro Manila.