Sa kabila ng mga nakahanay na mabibigat na kalaban, target pa rin ng Gilas Pilipinas na makakuha ng gintong medalya sa pagsabak nito sa FIBA Asia Cup ngayong buwan.
Ang naturang accomplishment ay hindi pa nagagawa ng bansa sa nakalipas na apat na dekada.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, pipilitin ng koponan na malagpasan ang mga elimination match at umabot sa huling yugto ng laban upang makapag-uwi ng ginto sa Pilipinas.
Nakahanay ang national team sa Chinese Taipei, New Zealand, at Iraq sa ilalim ng Group D. Ang magiging No. 1 sa apat na team pagkatapos ng unang elimination round ay otomatikong tutuloy sa quarterfinals.
Ang No. 2 at No. 3 naman ay may pagkakataon pang makapasok sa top-8 spot sa crossover playoffs.
Nakatakda ang unang laban ng national team sa Agusto-6 laban sa Chinese Taipei at susundan ito ng tapatan kontra New Zealand kinabukasan (Aug. 7).
Huling makakalaban ng Gilas ang Iraq sa Agusto-9.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Cone na solido na ang lineup ng bansa sa pangunguna ng mga batikang baseketball player tulad nina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Chris Newsome, Kevin Quiambao, atbpa.
Nagsisilbing defending champion ang Australia sa FIBA Asia Cup. Nagawa ng naturang bansa na mai-uwi ang naturang tropeyo sa nakalipas na dalawang turneyo.