-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian ng agarang pagtugon at masusing safety audit sa mga apektadong lugar matapos ang 7.6-magnitude na lindol na yumanig sa Davao Oriental at karatig-lalawigan kaninang umaga.

Pinakikilos ng senador ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), local disaster councils, at first responders, upang matiyak ang agarang pagsasagawa ng search, rescue, at relief operations. 

Pinakikilos din kaagad ang mga kaukulang ahensya na magsagawa ng safety inspections sa mga ospital, paaralan at mga lugar na malaki ang bilang ng populasyon.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang protektahan ang mga bata, na aniya’y isa sa mga pinakaapektado tuwing may kalamidad. 

Binanggit ni Gatchalian ang mga ulat na ilang estudyante ang nakaramdam ng hilo sa kasagsagan ng pagyanig, kaya’t mahalaga umanong maglaan ng psychosocial support sa mga paaralan upang matulungan silang malampasan ang takot at trauma.

Nanawagan din si Gatchalian sa publiko na manatiling alerto at magkaisa sa pagtitiyak ng kaligtasan ng bawat isa habang patuloy ang pagresponde ng mga awtoridad sa pinsalang dulot ng malakas na lindol.