Ikinasa ng Gatchalian bloc ang posibilidad ng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal na dumalo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na pinangunahan ng Cayetano bloc, dahil sa umano’y kakulangan ng parliamentary immunity.
Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, maaaring kasuhan ng cyber libel at iba pang kaso ang mga lumahok sa naturang pagdinig dahil itinuturing itong “bogus” at walang bisa mula sa kasalukuyang liderado.
Ani Lacson, hindi maaaring gamitin bilang depensa ang parliamentary immunity dahil hindi umano opisyal ang ginawang pagdinig noong Huwebes, Hunyo 11.
Sinegundahan naman ito ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na nagsabing walang bisa ang immunity ng mga dumalo dahil hindi ito isang pormal at opisyal na proceedings ng Senado.
Parehong kabilang sina Lacson at Pangilinan sa paksyon ni Gatchalian na nagdeklara na bakante ang lahat ng posisyon sa Senado dahil sa tatlong araw na pag-liban noon ng Majority senators sa plenary sessions ng Mataas na Kapulungan.
Una nang sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na siya pa rin ang lehitimong Senate President at may karapatan na magsagawa ng Blue Ribbon hearing na pinangunahan nina Senator Pia Cayetano at Rodante Marcoleta.
















