-- Advertisements --

Inihayag ni Senator Erwin Tulfo na may hindi bababa sa dalawang senador na nais umanong lumipat ng mayorya sa Senado, ngunit pinipigilan umano ni Senator Alan Peter Cayetano.

Sa panayam kay Tulfo na bukod kay Senator Joel Villanueva, na nagpahayag na dadalo sa special session ngayong araw, Hunyo 17, mayroon pang dalawang senador na nagpahiwatig umano ng kanilang kagustuhang makibahagi sa grupo na pinamumunuan ni acting Senate President at Senate President Pro Tempore na si Sherwin ”Win” Gatchalian.

“Mayroon diyang dalawa, at least dalawa na senador na nagpahayag, nagpaparating na gusto nilang magtrabaho. Kinokontra lang, pinipigilan ni Senator Alan Cayetano. Kaya hindi makapasok,” ani Tulfo.

Ayon pa sa senador, nangangamba umano ang dalawang mambabatas sa posibleng maging epekto ng kanilang paglipat, kabilang ang mga batikos at pag-atake mula sa mga vlogger at troll na sumusuporta sa kabilang grupo.

“Dahil ang banta rin sa kanila, ‘pag pumasok kayo diyan, yung backlash, yung banat sa inyo ng mga vlogger, mga troll, sisirain ang buhay niyo,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Tulfo na pinag-iisipan umano ng dalawang senador kung paano sila makalilipat ng panig nang hindi nadadamay ang kanilang mga pamilya sa anumang posibleng negatibong reaksiyon.

Samantala, inaasahang magiging malinaw sa special session ngayong araw kung may mga senador na pormal nang lilipat sa hanay ng bagong mayorya sa Senado.