Reading Time: 2 minutes

Dalawang pangalan na lamang umano ang pinagpipilian ni Pinoy superstar Sen. Manny Pacquiao para makatunggali nito sa kanyang sunod na laban.

Ibinunyag ng international matchmaker na si Sean Gibbons na namimili umano si Pacquiao kina dating world champion Danny Garcia, at WBA “super” welterweight belt-holder Keith Thurman bilang kanyang susunod na katunggali.

Ang nasabing anunsyo ay inilabas ng kampo ni Pacquiao habang nasa Pilipinas si retired undefeated boxer Floyd Mayweather Jr para sa isang bakasyon.

Pero ayon kay Gibbons, kanila raw munang aabangan ang magiging resulta ng laban ni Garcia kay Adrian Granados sa Abril 20 sa Carson, California.

Samantala, sinabi naman ni Mike Coppinger ng RING Magazine na patuloy umano ang mga negosasyon ng parehong kampo nina Pacquiao at Thurman para sa isang pay-per-view welterweight title showdown sa Hulyo 13.

Matatandaang naghayag ng kanyang interes si Thurman na makaharap ang “Fighting Senator” buhat nang madepensahan ng huli ang kanyang WBA “regular” welterweight title kontra kay Adrien Broner noong Enero.

Kapwa nasa ilalim ng Premier Boxing Champions ni Al Haymon sina Thurman at Garcia.

Una rito, sa kabila ng kaliwa’t kanang hiling ng mga boxing fans, sinabi ni Mayweather na hindi umano ito interesado sa posibilidad na magharap silang muli ng eight-division world champion.