-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng fraud audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang bahagi ng hakbang ng pambansang gobyerno na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na proyekto kontra baha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang utos ay nagmula kay COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa flood control program ng pamahalaan, lalo na ngayong panahon ng habagat kung saan patuloy ang pagbaha na nagdudulot ng matinding abala sa pamumuhay at paglikas ng mga apektadong pamilya.

Sa memorandum na inilabas noong nakaraang Martes, binigyang-diin ni Cordoba na dahil sa seryosong isyung binanggit ng Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng mga proyektong ito, partikular sa Bulacan, ang fraud audit ay isang agarang pangangailangan.

Sakop ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan, isang lugar na madalas bahain, kung saan umabot sa P44 bilyon ang inilaan ng gobyerno, ang pinakamalaking tipak sa buong Region 3 o 45% ng kabuuang pondo.

Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng P98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, katumbas ng 18% ng kabuuang P548 bilyon na pondo para sa flood control projects sa buong bansa.

Inutusan din ni Cordoba ang lahat ng supervising auditor at audit team leader sa mga DPWH District Engineering Office sa Region 3 na agad isumite ang lahat ng kaugnay na dokumento para sa pagsasagawa ng fraud audit. Ipinag-utos din niya na manatiling available ang mga opisyal upang makipagtulungan sa audit teams anumang oras.

Kamakailan, inilunsad ng Pangulo ang “Sumbong sa Pangulo” website kung saan maaaring i-report ng publiko ang mga posibleng anomalya sa mga flood control project. Sa kanyang pagbisita sa Calumpit, Bulacan ngayong linggo, nakita mismo ng Pangulo ang isang proyekto sa ilog na idineklarang tapos na sa mga opisyal na ulat ngunit malinaw na hindi pa pala kompleto.