-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang gumagawad ng 25 taong prangkisa sa third telco na DITO Telecommunity Corp. 

Sa botong 240 Yes, 7 No at zero abstention ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 7332 o franchise application ng naturang telecommunications company, na pagmamay-ari ng negosyante na si Dennis Uy.

Nakasaad sa panukalang batas na pinapayagan ang DITO telco na kumpleto ang roll-out, pagtatag at installations ng kanilang telecommunication system sa buong bansa. 

Nabatid na ang DITO telco ay binubuo ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., Udenna Corp, at China Telecom.

Matatandaang noong July 8, 2019 ay iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DITO Telecommunity ang “permit to operate” bilang third telco provider ng bansa.